"Alone time", it's been a while mula nung magkaroon ako ng ganito. Si Blanca ay kasalukuyang nasa beach sa Batangas kasama ang mga friends niya sa Shell. Si Ahya at si Achy ay nasa beach din sa Bellaroca kaya hindi rin naman kami makukumpleto kung uuwi ako ng Lucena. Kaya nag-stay na lang ako mag-isa dito sa Manila. Masaya ang laging may kasama. In fact, sanay ako ng laging may kasama - maging si Blanca, pamilya, o mga kaibigan. Pero sa mga pagkakataong ganito na ako ay nag-iisa, hindi man ganun kasaya, kailangan ko din siguro ito para magpahinga. Magpahinga sa lahat ng nangyayari, umatras saglit upang tingnan ang lahat at mag-isip. Alam kong hindi bagay sa akin ang maglalim-laliman pero hindi naman ako ganun ka-bopols lagi haha :) Yan ang mahirap pag nag-iisa ako eh, kung ano-ano ang aking naiisip :p Heto ang aking mga napagtanto:
- Family - God has blessed me with a wonderful family. Hindi man kami perpekto, hindi man kami mayaman, sobra naman ang love for each other at higit sa lahat, masaya kami :) Alam kong matagal pa ako bago magkaroon ng sarili kong pamilya, darating din ang panahon na meron na akong enough to start my own, in God's time ika nga. For now, I'm just happy and grateful na buo at masaya ang pamilya namin.
- Career - I've turned down another job offer with a significantly higher pay. Ikalawang beses ko nang ginawa ito sa buhay ko at nitong ikalawang beses, mas naging madali na ang pagde-desisyon at mas wala nang hinayang na naramdaman. Siguro sa pag-iisip ng karamihan, tanga ako dahil sa hindi pagtanggap nito. Sino ba naman ang ayaw ng mas maraming pera, diba? Pero kahit hindi kami mayaman, hindi lang naman sa pera lahat nakasalalay e. Don't get me wrong, lahat tayo nagtratrabaho para kumita ng pera, pero hanggang dun lang yun. Magtratrabaho ako sa pera pero hindi ako magpapa-alipin sa pera. Ang kapalit kasi nung mas malaking suweldo na yun ay:
- mas malayo - mahigit isang oras na biyahe, papunta pa lang. Sabihin na nating 2 hours a day ang mauubos sa byahe, pwede ka nang mag-gym nun o tumakbo para hindi mo mapabayaan ang iyong kalusugan. Sa 2 oras na yun, puwede kang makipagkita sa mga kaibigan na matagal mo nang hindi nakakasama. Puwede ring pandagdag sa tulog para masiguradong may 7 oras a day na tulog para din sa kalusugan. Sa aking sitwasyon, magagamit ko itong 2 oras na ito pag-monitor ng negosyo sa probinsya at pag-asikaso ng mga kailangan dito.
- malaking kumpanya/pulitika - ang mahirap sa malaking kumpanya ay kalakip nito ang pulitika. Karamihan naman sa atin ay nangangarap ng mataas na pusisyon o estado sa buhay. Ang mahirap sa ating mga tao, karamihan sa atin, gagawin ang lahat kahit maka agrabyado man basta lang maka-angat. Kung ikaw yung tipong tao na walang pakialam, bagay ka sa malalaking kumpanya. Kilala ko ang sarili ko at hindi ako para sa ganito. Hindi ako lumalaban ng madumi. Naive? Idealistic? Stupid? I'm not sure kung meron (o lahat) sa mga yan ang makakapag-describe sa akin pero heto ang siguradong word na angkop sa akin. Happy.
- Business - biniyayaan ako ng Diyos na magkaroon ng pagkakataon na makapagnegosyo habang nagtratrabaho para sa ibang kumpanya. 10 months na ang Chibugan Republik at awa ng Diyos, okay naman siya at mabuti na lang, biniyayaan kami ng tapang to take the risk at hindi lang patulugin sa bangko ang pera. Siyempre, nagplaplano na ako ng expansion. Dati, ang balak ko ay tumigil na sa pagtratrabaho dito sa Manila at umuwi na lang ng Quezon para mag-focus sa restaurant. Pero nang mapag-isipan ko ng mabuti, napagtanto ko na sayang ang kinikita ko dito sa aking trabaho. Kaya ako pinag-aral ng magulang ko ng aking kurso ay para pagkakitaan ang industriya na ito. Dito ko ngayon naisip ang law of leverage. To replace myself as much as possible. To utilize the skills and specializations of others BOTH to my advantage and theirs. Dahil dito nagkaroon pa ako ng better plans and clarity kung paano ako mage-expand at mama-maximize ang oras ko :) I will generate more jobs! Salamat sa Alone Time!
So after kong mag-munimuni, naisipan kong lumabas at pumunta sa SMX kung saan may BPI Sale event. Nabanggit kasi sa akin ng kaibigan kong si Kirby na meron uling sale na up to 80% off. Pagkaligo ko, diretso na agad ako sa MOA at dun ako sa building nag-park (ang init kasi sa labas!!!). Pagpasok ko mismo sa 2nd level... Whoa!
Lahat ng mga pilang nakita ninyo ay para sa Avengers or ayon sa iba Aah-vengers. Grabe lang, sa MOA pa lang ito, ganito rin kaya kadami sa ibang malls? Anyway, wala akong planong makipagsiksikan at magpakapagod para sa isang sine. Tapos na ako sa phase na kailangan isa ako sa mga mauna na makanuod. Tumatanda na nga siguro ako haha! Tapos na rin kasi ang mga panahong mura lang ang sine :s So dumiretso na ako sa aking pakay sa SMX. Pagdating ko...
Ang konti ng tao, haha! Which is good for me ;) 2 years ago, pumunta ako dito at literal na parang mga langgam ang mga tao sa dami. Salamat sa Avengers, nakapaglibot ako ng walang hassle :D
May mga upuan nga sa mga kainan o! Dati wala kang maupuan sa mga ganyan sa dami ng tao hehe
Naagaw ang atensyon ko ng stand ng Polland Hopia dahil sa mga naka display nilang pagkain. Kahit hindi pa ako gutom, kailangan kong kumain para daw magstart na agad tumakbo ng mabilis ang metabolism ko - ayon sa nabasa kong article sa yahoo haha!
Heto ang nabili ko, Cuapao Kikiam @ 75 pesos. Walang biro, masarap siya ha at sulit na sulit kasi hindi bitin ang palaman :D
Matapos kong malibot ang lugar para magscout ng good deals, heto ang aking nabili.
American Tourister Luggage - got this one for 3k++. Hindi ko alam kung magandang brand ba ito. Sabi ng sales guy, Samsonite daw ito at sobrang mura na daw nito kung tutuusin. Hindi naman ako brand-conscious pag dating sa ganito dahil wala talaga akong alam kaya pinili ko na lang ay yung meron ng kailangan ko sa isang maleta. May lock na combination, may lalagyan ng suit (malay mo magtravel ako ng naka-suit), may malaking space, at higit sa lahat, de-hila na parang nagtitinda ng yakult haha! Meron pang mas mura dito na mas maliit pero nadala ako sa Samsonite Warranty nitong maleta kaya ito ang nagwagi :)
Heto ang pinaka good buy para sa akin :) Matagal ko nang inaasam na magkaroon ng Tag Heuer na shades. Hindi kasi common ang porma. Maganda yung mga Oakley kaso parang hindi sulit bilhin dahil ang daming peke na nagsisilabasan. Nakabili na ako sa sale ng ganito dati pero ni-regalo ko sa kuya ko. Kaya ngayong may sale uli, hindi ko na pinalampas :D Ang malupit nito, ang deal nila, kapag binili ko tong Tag Heuer, bibigyan nila ako ng freebies worth more than 10k... Napaisip tuloy ako at nagtanong kasi malamang may catch itong mga too good to be true na deals. Yun pala, papipiliin ako ng isa sa mga Versace na shades na ayon sa kanila ay Authentic daw (mamatay na daw sila kung peke, tinanong ko talaga). Kaya pala pang freebie na lang nila ay dahil bawal na sila magbenta nito. Iba na raw kasi ang nakakuha ng rights para mag-carry ng brand na ito kaya pang hatak na lang nila. I'm not sure if totoo lahat ng ito pero ang habol ko lang naman talaga ay yung Tag Heuer na may authenticity at guarantee card kaya sige na, baka swerte lang talaga.
Heto ang pinili kong freebie:
Naisip ko kasi si Blanca para pareho kaming may bagong Shades :)
Ang malupit, hindi ko alam kung may freebie pa ba talaga o charming lang talaga ako kasi patago akong binigyan at hindi naman lahat ng bumili ay binigyan pero inabutan ako ng key chain na Lacoste...
Kinabahan tuloy ako kung tunay ba nabili ko at kung legit ba itong tindahan na ito... Chineck ko naman ang resibo at CP Optics siya, distributor ng Luxury sunglasses dito sa Pilipinas sa Pasong Tamo, Makati... Chineck ko din kung nanakawan ba ako, awa ng Diyos hindi naman. Baka swerte lang talaga ako ngayong araw :)
Marami pang good deals gaya ng mga headphones at 50% off pero naisip ko, hindi ko naman kailangan. Itong maleta, kailangan ko kasi sa darating na trip namin nina mama (wala akong sariling maleta, ever), at yung shades ay dahil nawala/nanakaw ang tinatago-tago kong Oakley Straight Jacket (yung bubuyog pa itsura) na pinaka-una kong nagustuhan nung bata pa ako :(
After kong mamili, naglakad na ako papuntang sasakyan upang iiwan ang napamiling mga gamit. Hassle kasi maglibot ng may bitbit na maleta. Papunta sa parking, nadaanan ko ang Sebastian's...
Sa init ng panahon, talagang bumigay ako at nagpatukso... sinubukan ko ang sapin-sapin flavor na dapat ay titikman namin dati kaso out of stock...
Ang sarap nga naman pala talaga ay! Lasang sapin-sapin nga haha! Para sa isang probinsyanong gaya ko na lumaking kakanin ang merienda, ay talagang nakakapagpangiti bawat subo haha! Galing, may latik pa! Highly recommended!
After kumain, dumiretso na uli ako sa parking para nga iwanan ang mga napamiling gamit at magpalamig sa loob ng mall. Nag-elevator na ako instead na mag-stairs kasi bukod sa may bitbit akong maleta ay 2 (tall) floors up pa ang naparadahan ko. Sa loob ng elevator, may nakasabay akong isang mukhang mayaman na Filipino-Chinese na pamilya. Nanay at Tatay, isang around 9-11 years old na babaeng anak at mga around 5-7 years old na lalaking anak (mataba kasi na parang ako dati kaya mahirap masabi ang edad), at isang yaya. Ang mahirap sa elevator, maririnig mo ang mga conversations kahit wala kang pakialam o hindi mo dapat talaga marinig...
Nanay: (Chinese-Tagalog ang pagkakasabi patungo sa babaeng anak) O punta kayo sa birthday ni Sofia(?) bukas ha?
Girl: Sino kasama ko?
Nanay: Heto si Sioti, pahatid na lang kayo sa driver.
Girl: Eh ikaw?
Nanay: May pupuntahan nga ako diba?
Girl: Ah oo nga. San ba yung party?
Nanay: Sa Jollibee.
Girl: Ay, Jollibee lang?
After ng mga katagang Ay, Jollibee lang? ay hindi ko na maalala ang sumunod sa usapan dahil nalungkot ako pagkakarinig ko... Call me weird pero talagang para ba akong nanghina na tipong nakipag break ang ka-relasyon, na para bagang nanghina ang katawan sabay sakit ng puso...
Nung bata pa ako, pangarap kong makapag-birthday sa Jollibee. Hindi namin naranasan yung ganun. Kapag nga may chickenjoy na pasalubong si mama galing Manila, ay talagang sobrang saya! Pinapaligo ko ang gravy sa kanin :) My parents made sure na meron kami ng kailangan namin pero hindi lahat ng gusto namin, lalo na't hindi kailangan, ay masusunod. Nung bata nga ako, 7 years old yung last na kiddie party ko. Masyadong mahal ang Jollibee Kiddie Party noon, buti na lang may Chrisan's Junction sa Lucena noon kung saan mas masarap ng 10x ang spaghetti (kasi may corn) :D Nakakalungkot siguro para sa part ko na parang binasura ng iba yung pinapangarap ko. O.A, nga siguro pero ewan ba, alam kong matagal na yun at iba na ang panahon ngayon, pero grabe lang, ang swerte ng batang ito dahil sa edad niya, nakaranas siya ng birthday party na higit pa sa Jollibee Kiddie Party experience para maituri ito na isang lang...
Hindi ko talaga mapalampas ng ganun kadali... Hanggang sa car park iniisip ko pa din. Nawalan ako ng gana bumalik at maglibot kaya umuwi na lang ako... Akala ko malilimutan ko ang mga pangyayari sa byahe pero pagdating malapit sa dorm, talagang hindi ako mapakali. Pumunta tuloy ako sa pinakamalapit na Jollibee haha!
Kumain ako ng birthday meal na chicken-spag
um-order pa ako ng coffee float (with less ice) para mas pampalubag loob
sangat: nagustuhan kasi namin ni Blanca yung Choco Float nila nung isang gabi
sangat: cool avengers mug for 55 pesos :D
simple joys, lumalabas ang heroes pag mainit hehe
Matapos kong kumain, hindi pa rin ako mapakali... Ewan ba bakit ang O.A. ko sa pangyayaring ito. Bumili ako ng extrang meal at sinabi ko sa sarili ko, ibibigay ko ito sa batang deserving at makaka-appreciate dito ng lubos. Hindi na ako pinahirapan ni Lord, pagkalabas ko pa lang, may batang namamalimos habang patawid ako from Jollibee to McDo Quirino. Meet Marco, kung makita niyo man siyang namamalimos at nangungulit (medyo makulit nga), kung may sobra kayong pagkain (yung malinis ha), mapapangiti niyo itong batang ito.
I hope that kid in the elevator may someday realize that she's very, very lucky.
Para sa mga makakabasa nito, kung isa kayo sa mga pinalad sa buhay, please be a blessing to others :)
Sa uulitin,
Chewy